Paras sa Fighting Maroons: Laban natin ‘to!

Tatlumpu’t dalawang (32) taon, ganyan katagal naghintay ang University of the Philippines para muling makatungtong sa Finals ng men’s basketball sa UAAP.

Taong 1986, kasabay nang pagbagsak ng diktadurya, nasungkit ng UP ang kauna-unahang titulo nito sa liga kontra sa University of the East nina Allan Caidic at Jerry Codiñera matapos ang 47 taon.

Kasabay ng panalong ito, may mga manlala­rong naging susi para sa makasaysayang panalong ito, gaya nina Benjie ‘Tower of Power’ Paras at Ronnie Magsanoc.

Kapwa galing sa San Beda high school ang 5-foot-9 na si Magsanoc at 6-foot-4 na si Paras nang kunin ng UP ang kanilang serbisyo.

Ngayon, halos tatlong dekada ang lumipas, mu­ling namayani ang mga taga-Diliman at magkaroon ng pagkakataon na masungkit muli ang kampeonato, isang maiksing pahayag lang ang nasabi ni Paras tungkol dito.

“I’m happy for the team, they have my support. Let’s all focus on them and the Finals,” wika ni Paras nang matanong ng Abante Online tungkol sa muling pagpasok ng UP sa Finals.

Ngayong Sabado, magsisimula ang tunay ng laban ng Fighting Maroons kontra sa mas malakas at mas may karanasag Ateneo Blue Eagles para sa kanilang best-of-three finals series.