Paratang sa Dos willing paimbestigahan

NI: ROLDAN CASTRO

May pahayag ang ABS-CBN 2 sa provisional franchise na ibinibigay sa kanila ng Kongreso.

Ayon sa kanilang statement…

“Malugod na tinatanggap ng ABS-CBN ang pag-apruba sa House Bill 6732 ng House of Representatives Committee of the Whole na nagbibigay ng provisional franchise to operate hanggang Oktubre 2020.

Nagpapasalamat kami sa liderato ng Kongreso at sa mga sponsor ng bill, sa pangunguna nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Majority Leader Martin Romualdez, sa kanilang pagkilala sa aming pagtugon sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan pagdating sa balita, impormasyon, entertainment, at serbisyong publiko sa kritikal na panahon ngayon.

Handa kaming sumailalim sa proseso ng franchise renewal at sagutin ang mga isyung nabanggit laban sa network, sa mga may-ari, sa management, at mga empleyado.

Nananatili kaming bukas sa mga opinyon at suhestyon na nakakatulong para mas mapabuti pa ang aming organisasyon at paglilingkod sa sambayanang Pilipino.

Lubos kaming nagpapasalamat sa lahat ng tao at grupong nagpahayag ng kanilang pagmamahal at suporta. Kayo po ang aming inspirasyon. Maraming salamat.”