Pinasusuko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paring nakapatay ng kanyang girlfriend sa Camarines Sur.

Sa kanyang talumpati kagabi sa awarding cere­mony for the Outstanding Women in Law Enforcement and National Security of the Philippines (OWLENSP) sa Malacañang, pinayuhan ng Pa­ngulo ang nagtatagong pari na lumutang at harapin ang akusasyon laban sa kanya.

Kapag aniya hindi susuko ang pari ay siya ang aaresto dito at kapag manlaban ay kakatayin niya itong parang aso.
Binigyang-diin ng Pa­ngulo na walang nakahihigit sa batas kaya marapat lamang na ma­nagot ang pari kapag napatunayan ang bintang laban sa kanya.

“Itong.. yung Fernandez ba yon, priest who killed a pregnant paramour of his , and nothing is hapening to the case. Paglabas ng warrant na yan, kung walang pulis, siyempre mahiya man yan. It’s very unsettling actually so ako ang mag-aresto sa yo. You better surrender because if you will not, I’ll hunt you down. And if you don’t surrender , you put up a good fight, I’ll kill you like a dog. The law is the law is the law, period,” anang Pangulo.

Matatandaang noong Hunyo, 2018 ay napaba­lita ang pagkamatay ni Geraldyn Rapinan, 28 ng Baao, Camarines Sur na may mga saksak sa katawan at nakatali ang mga kamay at paa at hinihinalang pinatay ng pari na umano’y ama ng kanyang anak.

Batay sa pahayag ng kaanak ng biktima, makikipagkita ito sa pa­ring hindi pinangalan at matapos ang ilang araw ay natagpuan itong patay sa damuhan sa highway.

Hindi na rin makita ang pari matapos ang pagkamatay ni Rapinan.