Napakainutil pa rin ng ating Kongreso dahil­ hanggang ngayon ay ­wala itong lakas ng loob o determinasyong magpasa ng batas na magbabawal sa paniningil ng bayad sa parkingan sa mga establisimiyento, lalo na sa mga malls.

Kung hindi ako nagkakamali, halos ilang pagbubukas ng Kongreso na ipinapanukala ang pagbabawal na maningil ng parking fee.

Pero bokya pa rin ang nasabing panukala­ na sa akin ding pagkakarekoleksyon ay itong si Quezon City Congressman Winston ‘Winnie’ Castelo ang masigasig sa paghahain.

Kanya nga lamang ­tila bingi at bulag ang kanyang mga kasamahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kaya hindi umaani ng suporta ang kanyang isinusulong na panukala.

Kung benepisyo lang naman ang pag-uusapan­ mas karapat-dapat na ­suportahan ang ganitong panukala dahil malaking­ bahagi ng mga Pinoy ang makikinabang kumpara sa mga walang kawawaang mga panukalang itinutulak at sinusuportahan ng mga mam­babatas.

Mahaba-haba pa naman ang panahon nga­yong 17th Congress sana naman ay makita na ng iba pang mambabatas ang benepisyong hatid ng paglilibre sa parkingan ng mga establisimiyento.

Ang hindi ko rin kasi maintindihan sa usa­ping ito ay kung bakit magkakaiba pa ang rate ng si­ngilan ng mga malls. Mayroong may flat rate na P20 mayroon namang P25, P50 pataas pa.

Ang ating katanu­ngan, hindi ba ito maaa­ring pagpare-parehuhin? Tutal din naman ay halos magkakapareho rin lang naman ang presyo ng mga nabibili sa mga malls.

Ganyan na ba talaga ka independent ang mga malls at iba pang establisimiyento dahil may kalayaan silang magpataw ng kahit magkano nilang gusto sa parkingan?

Hindi na ito makatwiran, dapat ay sinisilip na ito ng local at national government.

Dapat ay maisip nilang bahagi ng public service ang kanilang negosyo kaya naturalmente na may libreng parkingan dapat silang nakalaan sa kanilang mga customers.

Dapat gayahin nila ang mga restaurants na handang magbigay ng ­libreng parking kapalit ng serbisyo.

Silipin naman minsan­ ang kapakanan ng mga customers n’yo, hindi­ iyong puro kapakanan ninyo ang inyong binibigyang importansiya ­dahil wala kayo kung ­wala ang inyong mga loyal­ customers.­