Alam ninyo bang lumipat na sa Sandiganbayan mula sa Office of the Ombudsman ang kalakaran ng ‘parking fee’ ng mga kasong graft and corruption laban sa mga opisyal ng gobyerno?
Hindi ito parking fee sa mall ah mga pare at mare. Ayon sa aking bubwit, ang ibig sabihin ng parking fee ay bayad o lagay ng mga opisyal na may kasong graft and corruption. Sila ay magbabayad ng malaking fee o lagay kung gusto nilang maantala o mabinbin ang kanilang kaso para hindi sila masuspinde.
Ayon sa aking bubwit, ito ang dahilan kaya may mga opisyal na matagal nang kinasuhan pero nakabinbin lang ang asunto, hindi umuusad, o kaya’y hindi sila agad sisipain sa puwesto, o kaya naman ay hindi agad hahatulan.
Ayon sa aking bubwit, nabuking ni Ombudsman Sam Martires ang parking fee kaya naghigpit si manong Ombudsman at idiniin sa lahat ng mga opisyal at empleyado na hindi uubra sa kanya ang kalokohang ito.
Napilitang lumipat sa Sandiganbayan ang mga fixer at baluktot sa Ombudsman dahil hindi na puwede ang kalokohan nila sa higpit ni Ombudsman Sam.
Ang parking fee para hindi umusad ang kaso ng graft and corruption ay P500,000 o P0.5 milyon kada buwan. Yes mga pare at mare Buwan-Buwan, depende sa kaso.
Ayon sa aking bubwit, ilang bigtime congressman at dating Cabinet members ang nagbabayad ng parking fee para matulog lang ang kanilang kaso.
Ang pagador ng parking fee sa Sandiganbayan na dati’y nasa Office of the Ombudsman pero supalpal kay Ombudsman Martires ay isang maimpluwensyang kongresista na may mga kinakaharap na kaso.