Malalaman mo raw na may pinag-aralan ang isang tao kung may konsiderasyon ito sa ibang tao. Totoo ito sa anumang bahagi ng pang-araw-araw nating pamumuhay lalo na sa pagmamaneho.

At para sa akin, nakikita ang antas ng isang tao sa paraan kung papaano niya ipa­rada ang kanyang sasakyan. Tawagin natin itong “parking manners.”

May parking manners ka ba? Sagutin mo ang mga katanungang ito para malaman mo:

1. Umiiwas ka ba na mag-double park o yung pumantay sa isa pang sasakyan na nakaparada na? Ang double parking kasi ay nagpapasikip sa kalsada.

2. Inaasinta mo ba ang mga linya sa parking kapag paparada ka na? Sinisigurado mo ba na nasa pagitan ka ng mga linya at may sapat na distansya mula sa ibang sasakyan, lalo na sa driver’s side ng katabi mong sasakyan? Minsan kasi, maluwag sa side mo, pero imposible nang pumasok ang driver sa katabi mong sasakyan.

3. Sumusunod ka ba sa nakasulat sa pader na “Please park facing the wall”? O gagawin mo pa rin ang nakasanayan mong pagparada nang patalikod kahit may nakasulat na ganito sa parking area?

4. Umiiwas ka ba mag-park sa PWD parking slot? O dun ka na lang paparada kapag wala ka na talagang mahanap na bakante?

5. Pinapatay mo ba ang makina ng sasakyan mo kapag nakaparada ka na? O hahayaan mo lang na umaandar ito habang naghihintay ka sa loob?

6. Kung wala kang maparadahan, isasampa mo ba sa bangketa o sidewalk ang sasakyan mo para lang makaparada? O hahanap ka ng tamang paradahan kahit malayo ito sa iyong pupuntahan?

Mga simpleng katanungan lamang ito na magpapakita sa atin kung meron ba ta­yong parking manners o wala. Nakakalungkot na marami sa ating mga kababayan ang nawawala ang manners kapag hawak na ang manibela. Sana ay hindi tayo kasama sa mga ito.

* * *

Email: junep.ocampo@gmail.com