Maaga mang yumuko sa 9th Asean Basketball League 2018-19 ang San Miguel Alab Pilipinas, pero ‘di nito napigilan ang pagragasa ni Bobby Ray Parks Jr.
Sa huling taong paglalaro sa Asian hoopfest, nasikwat niya ang Local Most Valuable Player plum para umukit ng kasaysayan sa liga.
Siya ang kauna-unahang manlalaro na nakasungkit ng nasabing parangal sa tatlong magkakasunod na taon, nagsimula ang paghahari noong 2016 para sa distinction.
Sa 16.6 points, 4.4 rebounds at 3.5 assists average nang katitiklop na season, giniya ni Parks ang Alab sa second place tapos ng eliminations, ngunit nadapa kontra Hong Kong Eastern sa quarterfinals, 0-2.
Inungusan niya ng award sina Brandon Jawato ng CLS Knights, Delvin Goh ng Singapore Slingers, at Chris Dierker ng Saigon Heat.
Matatandaang inanunsyo na ni Parks ang kanyang pagreretiro sa liga, ngayon ay magpapakitang-gilas na sa PBA Commissioner’s Cup simula sa Mayo 19 tapos ang ilang taong paghihintay.
Pumirma siya ng one-year contract sa Blackwater Elite, ang team na kumuha sa kanya bilang second pick sa nagdaang taong PBA Rookie Draft.
(Ray Mark Patriarca)