(Laro sa Abril 30)
Stadium 29,Thailand
3:30 pm Mono Vampire vs Alab Pilipinas

Binalewala ng Alab Pilipinas ang maingay na atmospera at nakakadudang tawag ng namahalang opisyales para silabin ang Mono Vampire, 99-93, sa krusyal na Game 3 at idikit sa titulo ng 2018 ASEAN Basketball League sa Stadium 29 sa Bangkok, Thailand.

Nilimitahan ng Alab sa ikatlong yugto ang host-Vampire sa 17 puntos lamang habang inihulog ang kabuuang 27 puntos at itala ang pinakamala­king 11 puntos na ungos sa salpukan at sandalan ang last quarter para agawin ang 2-1 bentahe sa best-of-five na serye.

Dikdikan ang unang yugto kung saan kinapitan ng Alab ang 22-20 bentahe sa pagtatapos ng u­nang 10 minuto bago umalagwa ang Mono Vampire sa paghulog ng 30 puntos at itimon ang 2 puntos na ungos sa pagtatapos ng first half, 50-48.

Kumayod si back-to-back local MVP Bobby Ray Parks Jr., sa pagtubog ng kabuuang 30 puntos at resbak sa malamyang laro sa Game 2 si Justin Brownlee sa pagpitas ng 27 at kapwa import Renaldo Balkman, 24 puntos upang bitbitin sa huling yugto ang panalo ng Alab.

Maliban sa 30 puntos, nagtala din si Parks ng 5 rebound, 2 assist at 2 steal habang si Brownlee ay dagdag 12 rebound, 7 assist at 1 block. Si Balkman ay 16 rebound, 7 assist, 4 steal at 2 block tungo sa paglapit ng Alab bilang ikatlong tropa mula sa Pilipinas na masungkit ang korona ng pangrehiyong torneo.

Sinandigan ng Alab Pilipinas ang 75-67 abante sa pagpasok ng ikaapat na yugto at pigi­lan ang pag-atake ng Mono Vampire na huling nagitgit sa 72-78, may 7:59 sa laro.

Isang tres ni Brownlee, ika-5 sa buong laro ang nag-angat sa Alab sa 81-72 na naging pundasyon ng koponan para tiyakin ang ikalawa nitong pana­lo sa serye.
Ang iskor:

Alab Pilipinas (99) — Parks 30, Brownlee 27, Balkman 24, Raymundo 5, Urbiztondo 5, Domingo 4, Javelona 2, Hontiveros 2, Alabanza 0.

Mono Vampire Basketball Club 93 – Singletary 29, Deguara 19, Zamar 16, Brickman 11, Chantachon 10, Apiromvilaichai 8, Sunthonsiri 0, Phuang­la 0, Klahan 0.

Quarterscores: 22-20; 48-50; 75-67; 99-93.