Walang pasok ngayon sa buong lungsod ng Dasmariñas, Cavite.
Ginugunita ng siyudad ang anibersaryo ng pagkakatatag nito bilang isang lungsod. Isa sa mga idinaraos sa lungsod ng Dasmariñas ang Paro-Paro Festival. Ipinagdiriwang ito tuwing November 26, simula pa noong 2011.
Tinawag itong Paro-Paro Festival dahil sa progresibong pagbabagong tinatamasa ng lungsod mula sa pagiging baryo na sakop noon ng dating bayan ng Imus na ngayo’y lungsod na rin, hanggang sa pagiging ganap na lungsod sa Cavite kaya inihalintulad sa uod na kalauna’y naging paro-paro.
Sa selebrasyong ito hindi mawawala ang iba’t ibang aktibidad tulad ng Binibini at Ginoong Dasmarineño, Float Parade, at Pagsasayaw o mass demo na dinadaluhan ng mga pampubliko at pribadong paaralan, kasama rin ang mga barangay at iba’t ibang organisasyon.
Tanyag din ang lungsod sa mabilis nitong pag-unlad gaya ng pagkakaroon ng iba’t ibang imprastraktura, negosyo, industriya at maraming pang iba.
Sa larangan ng edukasyon, tinagurian ang lungsod bilang ‘University Capital of Cavite’ dahil doon makikita ang ilang malalaking unibersidad sa buong probinsya.
Gaya ng paro-paro, bawat isa sa ati’y may kanya-kanyang angking talento. Hindi man agad naipamamalas, subalit balang araw magiging huwaran din at magbibigay inspirasyon sa iba.
Kaya tayo na’t dumayo sa Dasmariñas para makiisa sa Paro-paro Festival! (with inputs from Kevin Patrick Sayaman and photo grabbed from northpineland.com)