Parolado sa Bilibib, tinadtad ng bala sa kotse

Isang parolado sa National Bilibid prison sa Muntinlupa City ang nasawi nang tadtarin ng bala ang sinasakyan nitong kotse, Martes ng hapon sa Tuy, Batangas.

Sa report ng pulisya, nangyari ang krimen dakong alas-2:00 ng hapon sa nasabing lugar.

Habang bumabagtas ang paroladong si Geronimo Dimayuga sa national highway sa Barangay Luna ay bigla na lamang pinaulanan ng bala ng hindi nakilalang gunmen ang kotseng sinasakyan nito.

Isinugod pa sa Western Medical Center, Balayan, Batangas ang biktima subalit ideneklara na itong patay ng doktor dahil sa tinamong mga bala sa katawan.

Inaalam pa ng mga pulis ang motibo at kung sino ang mga nasa likod ng pananambang. (Ronilo Dagos)