Parolado tumimbuwang sa paglaban sa parak

Padapang nasawi sa kalsada ang dalawa sa tatlong lalaking nangholdap sa isang ginang sa Quezon City kahapon ng madaling-araw. Napatay din ng mga pulis ang isa pang suspek na dead on the spot din sa loob ng tricycle na ginamit na sasakyan sa panghoholdap. (Patrick Adalin)

Isang parolado na suspek sa robbery-hold-up ang nasawi matapos itong pumalag sa mga pulis na aaresto sa kanya kamakalawa ng gabi sa Muntinlupa City.

Dead on arrival sa Ospital ng Muntinlupa ang suspek na si Reynaldo Obligar alyas ‘Rolando Delos Reyes’, 34, binata, nakatira sa 355 Sitio Paraiso, Brgy. Alabang ng naturang lungsod.

Sa report ng Muntinlupa City Police, sinabing nakatanggap sila ng impormasyon mula sa kanilang ‘asset’ na ang suspek ay sangkot umano sa robbery-hold-up na naganap sa Posadas Avenue, Brgy. Sucat ng naturang lungsod.

Dahilan upang magsagawa ng follow-up ope­ration ang Intelligence Section ng Muntinlupa City Police sa Sitio Paraiso, Brgy. Alabang alas-8:30 kamakalawa ng gabi.

Sa operasyon, nagpositibo sa area ang suspek, ngunit nakatunog ang suspek na aarestuhin siya kung kaya tumakbo ito at kinuha ang kanyang baril at tinangkang barilin ang mga pulis na humahabol sa kanya. Ngunit naunahan siya ng mga pulis at tinamaan sa ulo na ikinamatay nito.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre .38 baril na may lamang mga bala, isang plastic sachet ng shabu, pitaka na naglalaman ng mga IDs at Certificate of Discharge mula sa NBP.

Nabatid na parolado mula sa pagkukulong sa New Bilibid Pri­son (NBP) ang suspek.