Party-list dapat na nga bang buwagin?

Lumalakas ang suporta sa panawagang paglusaw sa party-list system sa bansa bunsod ng umano’y panggagamit dito ng maiimpluwensiyang pulitiko upang makapasok sa Kongreso.

Maliban kay Pangulong Rodrigo Duterte na naunang nagtulak­ sa pagbuwag sa party-list group ay marami pang senador at ­kongresista ang umayon sa panawagan ng Pangulo.

Ang pagbuwag sa party-list ay pinaplanong isama sa gagawing­ pag-amyenda sa Saligang Batas na tinututukan ngayon ng ­gobyernong Duterte.

Sa ganang amin, hindi dapat nagpapadalus-dalos sa usaping ito.

Gayunman, naniniwala kaming maraming party-list sa kasalukuyan ang hindi talaga kumakatawan sa sektor na dapat nilang binibigyan ng boses sa Kongreso.

Totoo rin na maraming nakaupong party-list group na mula sa iisang angkan ng mga pulitiko sa bansa ang naluklok gamit ang kung anu-anong party-list para madagdagan ang puwersa ng ­pamilya sa pulitika.

May iba namang tumatakbo sa party-list dahil hindi nananalo­ bilang district congressman sa kabila ng paulit-ulit na ­panga­ngandidato.

Pero sa kabila ng lahat ng mga saltong ito hindi pa rin dapat agad-agad ang gawing pagbuwag sa party-list.

Ang sa amin sa halip na ­buwagin ay rebisahin na lamang ang umiiral na party-­list system at mariing ipatupad ang mga panuntunan upang hindi ito napapasok ng mga pulitikong nagbabalat-­kayong kumakatawan sa kung anu-anong sektor mapuwesto ­lamang sa Kongreso.

Kasabay ng gagawing pagrebisa sa party-list system ay napaka­halaga ring ipatupad nang istrikto ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-apruba ng accreditation ng mga nagpapatalang party-list group na sumasabak sa halalan.

Panahon na para salaing muli ang lahat ng party-list group at ibasura ang mga pekeng party-list group habang kilalanin ang mga grupong may tunay na kinakatawang sektor sa lipunan.