Sinipa bilang kongresista si ABS Party-list Rep. Eugene Michael de Vera.

Hinirit ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr., sa Office of the House Secretary General na alisin sa Rolls of Members si de Vera.

Bago mag-adjourn ang sesyon saka inanunsyo ni Andaya ang hakbang para mapatalsik si De Vera.

“In view of the foregoing, may I request that the Secretary General be instructed to drop from the roll of members of the House of Representatives Rep. Eugene Michael de Vera,” paghahayag ni Andaya.

Ang pagpapatalsik kay de Vera ay kakawing ng liham na isinumite sa Kamara ng ABS Party-list president na si Catalina Leonen-Pizarro.

Napagpasyahan umano ng board of director ng ABS Party-list na ieetsapuwera na si de Vera.

Isinangguni ni Andaya sa Commission on Elections (Comelec) ang naturang liham.

“The resolution states pertinently that Rep. de Vera, being a member of the House of Representatives, is within the House’s jurisdiction and prerogative and covered by its rules and regulations,” ayon kay Andaya.

Magiging kapalit ni de Vera ang second nominee ng ABS Party-list na si Ulysses Garces.

Matatandaan na si de Vera ay kasangga ng napatalsik na Speaker na si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez.