Kakaibang parusa ang ipinataw ng isang barangay sa Pasig City laban sa mga nahuli nilang pasaway sa curfew kaugnay ng ipinatutupad na enhanced community quarantine,
Batay sa video na lumabas sa Facebook page ng Brgy. Pineda, Pasig City, makikita ang mga nahuli sa curfew na pawang naka-face mask, may mga hawak na kandila at nagpuprusisyon sa kanilang lugar.
Nasa pinakaunahan ng isang prusisyon ang isang sasakyan ng barangay at ilang tauhan na nakamotorsiklo.
Maririnig sa video na mayroong nangunguna sa pagdarasal ng mga pasaway.
“Panginoon aming mahal iligtas mo po an gaming barangay sa COVID-19….Nawaý ang mga taong pasaway katulad namin ay matutong tumupad sa batas,” ayon sa maririnig na boses sa video.
Ayon kay Barangay Pineda Chairman Francisco de Leon, isang paraan ito para tumino ang mga residente.
Ilang beses na umanong sinabihan ang mga residente na huwag nang lumabas pero lumalabas pa rin ang iba sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad curfew mula alasotso ng gabi hanggang alas-singko ng madaling-araw.
Nilinaw naman nito na naka-face mask ang mga nahuling pasaway at pinaiiral pa rin ang social distancing habang nagpuprusisyon. (Vick Aquino)