Dahil sa sunud-sunod na bomb threat sa Metro Manila, hinikayat ni House deputy speaker Miro Quimbo ang mga kasamahan sa Kamara na pagtibayin ang panukala nito na parusahan ng 12 taong pagkakabilanggo ang mga nasa likod ng “pekeng bomb threat”.
Maliban sa pagkakakulong, nais din ni Quimbo sa kanyang House Bill 241 o “False Bomb Threat Prohibition Act of 2016” na pagmultahin ng P1,000,000 hanggang limang milyong piso ang mga nasa likod nito.
Nitong mga nagdaang araw ay sunod-sunod ang bomb threat sa ilang eskuwelahan sa Metro Manila matapos ang madugong pagbobomba sa Davao City.
Gayunpaman, matapos halughugin ang mga eskuwelahan ay walang bombang natagpuan subalit naging dahilan ito ng pagkabahala ng marami kaya nararapat na umanong amiyendahan ang Presidential Decree No. 1727 na nagpaparusa sa mga nasa likod ng bomb threat ng limang taong pagkakabilanggo at hindi hihigit sa P40,000 multa dahil matindi na ang perwisyo ng mga nagpapakalat ng mga pekeng bomb threat.