Nabulabog ang Malacañang, kabilang ang ilang mga mataas na opisyal at prominenteng personalidad sa hanay ng naghaharing koalisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, nang aprubahan ng lehislatura ng Estados Unidos ang ilang mga panukala na nagbibigay ng kapangyarihan sa gobyerno ng US na magpataw ng mga parusa sa mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas na sangkot sa mga malubhang paglabag sa karapatang pantao.
Tampok dito ang probisyon sa batas na naglalaan ng badyet para sa relasyong panlabas ng US sa taong 2020, na nilagdaan ni Pangulong Donald Trump noong Disyembre 20. Nakapaloob dito ang isang probisyon na nagbabawal sa pagpasok sa US ng mga opisyal ng Pilipinas na sangkot sa “hindi makatarungang pagpapakulong” kay Sen. Leila De Lima.
Kung matatandaan, si Sen. De Lima ang pinakauna at pinakaprominenteng biktima ng taktika ni Duterte ng pagpapakulong sa kanyang mga kritiko gamit ang gawa-gawang kaso. Halos tatlong taon nang nakapiit si De Lima sa kasong drug trafficking. Si Pangulong Duterte mismo ang personal na nanguna sa pagpuntirya at pag-atake kay Sen. De Lima, na unang tumindig laban sa madugong rekord ng extra-judicial killings ni Duterte. Isa sa mga bunga ng malaganap na pandaigdigang kampanya na nananawagan ng pagpapalaya kay De Lima ang pagsama ng probisyong ito sa batas ng US, na pinanukala ng dalawang senador, sina Leahy at Durbin.
Isa pa ang Senate Resolution 142, na inaprubahan ng Foreign Relations Committee ng Senado ng US nitong buwan din ng Disyembre. Kinokondena nito ang pagkakakulong kay De Lima, at hinihimok na ipataw ng gobyerno ng US ang mga parusang pinahihintulutan ng Global Magnitsky Human Rights Accountability Act sa mga opisyal, sundalo, at pulis ng Pilipinas na responsable sa extra-judicial killings at sa mga opisyal na nagpakulong kay De Lima.
Ang nabanggit na Global Magnitsky Act ay isang batas ng US na nagpapataw sa mga opisyal ng ibang bansa na korap o human rights violator ng mga parusang tulad ng pagbawal sa pagpasok sa US at pagkumpiska sa kanilang mga pondo at ari-arian na nasa US.
Matindi ang reaksyon ng Malacañang sa mga pangyayaring ito, mula sa pagbatikos sa panghihimasok ng US sa isang internal na usapin, pagbawal sa pagpasok sa Pilipinas ng limang senador ng US na nagtulak ng mga panukala, hanggang sa banta na papakuhanin muna ng visa ang mga American citizen bago makapasok sa Pilipinas. ‘Ika ng mga mga milenyal, tila “affected much” ang kampong Duterte. Bakit? Kung ipatutupad ng gobyernong US ang “parusang Magnitsky”, hindi lamang ‘yung kahihiyan ng pagbawal na makapasok sa bansang US ang problemang haharapin nila. Higit na katatakutan nila ang posibilidad na makumpiska ang mga dollar account, real estate, at iba pang ari-arian (lehitimo man o kinurakot) na pasimpleng naipundar nila sa US.