Nawalan ng saysay ang pasabog na 22 points ni Jio Jalalon nang maubusan ang Magnolia Hotshots sa karibal na Ginebra 97-93 sa overtime ng Manila Clasico noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.

Para makabawi ang eighth-running Hotshots (3-5), kailangang ilabas muli ni Jalalon ang tibay ng pulso laban sa NorthPort (2-5) sa second game ng double-header mamaya sa Big Dome rin.

Last push ng magkatunggali ang mga natitira pang laro para humabol sa last 8 teams na aabante sa playoffs ng PBA Philippine Cup.

Dumating ang lahat ng puntos ni Jalalon sa second half, 12 dito sa fourth period. Sa first two quarters ay 0 of 3 siya bago tumapos ng 9 of 16, pinakamahalaga ang last six points ng team mula sa back-to-back 3s na nagpuwersa ng OT.

Sinabayan ni Jalalon sa shootout si Ginebra guard Scottie Thompson na nagpasabog ng career-high 27 points. Nabuhay ang karibalan nila noon sa NCAA – si Jalalon sa Arellano, si Thompson sa Perpetual.

“‘Yung mindset ko ‘nun, kailangan na kasing tumira,” wika ni Jalalon pagkatapos ng laro. “Kasi nga ‘yung mga guard (ng Ginebra) nagko-collapse kay Ian (Sangalang). Naisip ko, kung libre ako, ititira ko na. Bahala na kung ma-shoot o hindi.” (Vladi Eduarte)