
Magtu-2 years na ang relasyon nina Barbie Forteza at Jak Roberto sa May 19.
Dati ay tinatago pa nila ang relasyon nila at hindi nila inaamin kahit madalas silang makita together dahil ipinapareha sila noon sa ibang partner.
Ngayon ay legal na ang JakBie at tanggap na sila ng lahat maging ng GMA kaya sila na ang magkapareha sa bagong primetime fantasy drama-series na “Kara Mia.”
Naaliw kami kay Jak dahil doon sa mediacon ay inusisa namin siya kung anong Valentine plan niya ngayong araw na ito para kay Barbie.
Ani Jak, sikreto talaga ang binabalak niyang V-Day surprise for Barbie kaya sobra kaming naaliw na sinabi niya sa amin kung anong plano niya kahit alam niyang isusulat namin ‘yon at with matching video pa. Sabi ng 25-anyos na binata, pinatanggap niya kay Barbie ang “Chika Minute” hosting nito sa “24 Oras” ngayong gabi dahil kinuntsaba niya ang parents nito para mag-set up sila ng romantic dinner para sa kanila ni Barbs doon sa bahay nito.
Tawang-tawa kami kay Jak dahil tumitigil-tigil pa ito ‘pag medyo lumalapit sa amin si Barbie para huwag nitong marinig ang kinukuwento niya, pero buong ningning niyang sini-share ang mga detalye sa interbyu namin.
Baka raw ipagluto niya si Barbie dahil ‘yun ang gusto nito. Nakausap niya ang family nito para sa gagawin niyang surprise, pero wala raw idea si Barbie.
Nag-iisip pa raw si Jak kung bibigyan niya si Barbs ng Valentine gift. Hindi raw kasi ito mahilig sa materyal na bagay. Mas gusto nito ‘yung nag-e-effort siya dahil hindi ito maalahas na tao o mahilig sa mamahaling bag.
In fairness ay hindi raw sila nagkakasawaan kahit ngayon na lagi na silang magkasama. Dati kasi ay sa “Sunday PinaSaya” lang daw sila nagkikita dahil magkaiba ang mga schedule nila.
Kaya sobrang thankful ang JakBie na ngayon ay magkasama sila sa trabaho at nagkikita sila halos araw-araw.
Magdadalawang taon na silang mag-sweetheart, pero hindi raw nag-aaway ang JakBie at wala silang problema.
Sobrang excited si Jak sa “Kara Mia” na hindi pa man nagsisimulang umere ay pinag-uusapan na at ginagaya ng mga netizen, kaya nagkalat ang mga nakakatuwang memes at videos.
Sa Lunes na, February 18, ang simula ng “Kara Mia” sa GMA Telebabad kapalit ng “Cain at Abel.”