Ipinagtanggol kahapon ni dating Manila Mayor Alfredo S. Lim si Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang itinuturing na ‘longtime friend’ at kaalyansa, laban sa mga batikos na ibinabato ng mga human rights group, partikular na ng United Nations’ human rights chief.

Partikular na binatikos ni Lim ang na­ging pahayag umano ni UN High Commissioner for Human Rights Zeid Ra’ad al-Hussein na si Duterte ay kailangan umanong isumite ang sarili ‘to some sort of psychiatric examination’ dahil sa ginawa nitong pambabatikos sa UN special rapporteurs.

Ani Lim, ang mga pag-atake laban kay President Duterte ay maituturing din na isang uri ng pag-atake hindi lamang sa Office of the President kundi ma­ging sa milyon-milyong Filipino na bumoto at patuloy na naniniwala kay Duterte, na alam ng samba­yanang lumamang nang ubod ng laki sa kanyang mga naging katunggali sa pagka-Pangulo.

Bilang naging biktima rin ng mga malisyosong pagbatikos at matinding kritisismo mula sa mga human rights group dahil sa kanyang kakaibang pamamaraan sa gitna ng kanyang ‘no-nonsense campaign’ laban sa lahat ng uri ng kriminalidad at mga illegal drug acti­vity sa kabuuan ng kanyang career bilang serbisyo-publiko sa loob ng maraming dekada, sinabi ni Lim na nauunawaan niya nang buong-buo kung saan nanggagaling si President Duterte.

Maliwanag umano na ang mga taga-UN ay nililimitahan lamang ang kanilang mga nai-interview sa mga taong galit o kalaban ng administrasyon ni President Duterte at hindi nila lubos na nalalaman ang kabuuang sitwasyon ng ‘human rights’ sa bansa, kung saan ang mga inosenteng sibilyan ay nagiging biktima ng iba’t ibang uri ng krimen na isinasagawa kadalasan ng mga talamak sa iligal na droga, mula sa simpleng holdup patungo ng robbery, rape, murder o kung minsan ay kombinasyon pa ng mga ito.

“Marahil ay dapat subukan isa-isa ng mga UN officials na maglakad sa mga kalsada ng Maynila sa gabi nang mag-isa at ‘di nagpapakilala at tingnan nila kung ano ang mangyayari sa kanila. Magsuot sila ng alahas at gumamit ng cellphone habang nagla­lakad,” ani Lim, bagama’t pinuri naman nito ang Philippine National Police (PNP) dahil ginagawa umano nito ang lahat para masawata ang mga krimen sa bansa.

Ani Lim, pinaninindigan niya ang kanyang mga naging pahayag sa media noon pang 2015 kung saan ginarantiya­han niya na hindi lamang sa salita matikas ang paninindigan ng noon ay mayor pa lamang na si Duterte pagdating sa krimen, dahil kilala niya ito at alam niyang may kakayanan umano itong tapusin ang krimen, gayundin ang kanyang ti­nuran bago pa ang 2015 na ‘kung may 20 Duterte lamang sa gobyerno ay magigng maganda ang kalagayan ng Pilipinas.’

Ayon pa kay Lim na naging magiliw kay Duterte mula nang sila ay makasama sa mayors’ league nang si Lim ay alkalde sa Manila at si Duterte naman ay mayor ng Davao, suportado rin niya ang ginawang hakbang ni Foregn Affairs Secretary Alan Peter Cayetano nang umangal ito sa aniya ay ‘irresponsible and disrespectful comments’ na ginawa ni Zeid lanan kay President Duterte, kasabay ng babala na maaaring magtala ng mapanganib na panimula ang ganitong pagbatikos sa isang lehitimong gobyerno.

Ani Lim, sa halip na batikusin ay dapat pang pasalamatan man lang si Duterte, dahil sa pagpapakita nito ng matindi at seryosong kagustuhan na mawala ang mga illegal drug sa bansa, na siyang maituturing na ugat ng halos lahat ng mga matitindi at karu­mal-dumal na krimen sa Pilipinas.