Kulungan ang bagsak ng isang binata matapos ipakulong ng kanyang ama na pinagtangkaan niyang saksakin sa gitna ng kanilang pagtatalo, sa Dasmariñas City, Cavite kamakalawa ng gabi.

Nahaharap ngayon sa kasong attempted parricide ang suspek na si Arvie Medina, walang trabaho, dahil sa reklamo ng kanyang amang si Agripino Medina Jr., 48, isang driver.

Sa ulat ni PMSg. Rolando Paulo Figueroa ng Dasmariñas City Police Station, dakong alas-10:30 kamakalawa ng gabi dumating na lasing ang suspek sa kanilang bahay at kinompronta ng ama dahil sa planong iuwi ang kanyang girlfriend upang doon na tumira sa kanila.

Hindi pumayag ang matandang Medina na sinigundahan naman ng nakababatang kapatid ng suspek.

“Tumutol ang kanyang ama na doon patirahin ang kanyang girlfriend kasi wala namang trabaho ang kanyang anak at dagdag palamunin pa” ayon kay Figueroa.
Nagalit umano ang suspek na nagresulta sa kanilang mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ito ng balisong at sinaksak ang kanyang ama pero nakailag ito.

Tinangka pa muling saksakin ng suspek ang kanyang ama pero nakatakbo na ito at humingi ng tulong sa mga barangay tanod na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.

Nabatid na maraming beses nang ginagawa ito ng suspek sa kanyang ama pero pinatatawad lamang nito. (Gene ­Adsuara)