Pasaway na manugang tinodas sa hambalos

dead

Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang isang lalaki na pinatay ang kanyang pasaway na manugang sa hambalos makaraang magkaroon ng mainitang pagtatalo, kamakalawa ng gabi sa Pasig City.

Sa ulat na nakalap mula sa Eastern Police District, kinilala ang suspek na tinutugis ngayon ng mga awtoridad na si Zosimo Nelvida, nasa hustong gulang at biyenan ng biktimang si Michael Pacurib y Macawili, isang construction worker.

Hindi pa matiyak ng mga imbestigador ng pulisya kung ano ang ginamit na sandata ng suspek ngunit pinaniniwalaang kahoy na dos por dos ang ipinanghambalos nito sa kanyang manugang na nagresulta sa agarang pagkamatay ng biktima.

Batay sa ulat, naganap ang insidente bandang alas-nuwebe kamakalawa ng gabi sa labas ng kanilang bahay sa Sgt. De Leon St., Brgy. Santolan, Pasig City kung saan ay nagkasagutan umano ang dalawa na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Ayon sa asawa ng biktima na si Jenita Pacurib, palagi umano silang nagtatalo na mag-asawa at naririnig ng kanyang ama kaya posibleng napuno na ito at ipinagtanggol siya.
Dahil sa matinĀ­ding galit ng suspek ay hinambalos nito ang manugang at saka iniwan nang makitang wala nang buhay ang biktima.

Tumakas ang suspek matapos ang insidente habang sinikap pang maisugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival.