Pasaway na mga senior citizen hindi exempted sa batas!- Nograles

Hindi lusot sa batas ang mga pasaway na senior citizen kapag lumabag sa mga panuntunan ng gobyerno habang umiiral ang enhanced community quarantine.

Inihayag ito ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles matapos na may mga senior citizen na nakitang nagja- jogging sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City noong Sabado ng umaga, kasama ang ilang nagbibisikleta.

Sinabi ni Nograles na walang nakasaad sa Bayanihan to Heal as One Act na exempted ang mga matatanda sa mga inilabas na panuntunan sa panahon ng ECQ.

“Actually iyong batas, walang sinasabing exempted ang senior citizen ha. Dapat na sumunod ang lahat,” ani Nograles.

Nagpadala na aniya ang AITF ng joint team ng mga sundalo at pulis sa PICC para pagsabihan at posibleng hulihin ang mga senor citizen na pagala-gala at nag-eehersisyo sa panahon ng lockdown.

Batay sa videong kumalat sa social media, nakitang naglalakad at walang face mask ang ilang senior citizen na regular na tumatakbo sa PICC at ikinatwirang matagal na nila itong ginawa at hindi umano natatakot na mahawa sa COVID-19.( Aileen Taliping)