Pasaway na vice mayor ipakain sa Taal

Nagbabala si Calabarzon Police Director Police Brig. General Vicente Danao Jr. laban kay Talisay, Batangas Vice Mayor Charlie Natanauan na iaalay sa bulkan dahil sa pangungumbinsi nito sa kanyang mga nasasakupan sa Batangas na magsibalik na sa kanilang mga tahanan.

Sinabi ni Danao na mana­nagot si Natanauan sa batas kapag may nangyaring masama sa mga resi­dente ng Talisay kung sakaling may makinig sa bise alkalde at kung mapahamak ang mga ito sa biglang pagputok ng bulkan.

“Nakikiusap ako kay Talisay Vice Mayor Charlie Natanauan na tumulong na lang at huwag ng magudyok sa mga residente na bumalik,” saad ni Danao.

“Kapag bumalik ang mga ‘yan (mga tao) at may nangyaring masama, ‘pag inabot kitang buhay (Vice Mayor Natanauan), iaalay kita sa Bulkang Taal,” babala ng heneral sa nasabing bise alkalde.

Matatandaang kamakalawa ay kinuwestiyon ni Vice Mayor Natanauan ang kakayahan ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) director Renato Solidum na basahin ang galaw ng bulkan base sa mga siyentipikong pag-aaral at pagbabantay sa Bulkang Taal.

“Diyos ka ba?” tanong ni Natanauan kay Solidum na iginiit na walang makapagsasabi sa pagpu­tok ng Taal Volcano at iginiit na opinyon lamang umano ng opis­yal ang sinasabi nito pero iginiit ng Phivolcs na base ito sa siyensya.

Inihayag ng opisyal na nauunawaan naman niya na sobrang pagod at stressed ng bise alkalde matapos na maapektuhan ang bayan nito sa phreatic explosion ng Taal Volcano noong Enero 12 pero hindi nito dapat ilagay sa peligro ang kanyang mga nasasa­kupan sa pamamagitan ng paghimok sa mga ito na bumalik na sa kanilang lugar.

Idinagdag nito na nakikisimpatiya ang Calabarzon Police sa pighati ng mga residente ng Batangas at dapat din ng mga itong isipin ang sakripisyo ng kapulisan na hindi alintana ang pagod at panganib para sa kaligtasan ng nakararami. (Edwin Balasa)