Sinibak na sa pwesto, posible pang maharap sa kaso ang pulis na diumano’y namalo sa isang menor de edad sa Barangay Old Balara, Quezon City Martes ng hapon.

Ayon kay PLt.Col. Romulus Gadaoni, commander ng police station 6 ng lungsod, hindi umano pinahihintulutan ang pamamalo dahil inoobserbahan pa rin ang karapatang pantao, lalo na ang mga menor de edad na bawal talagang paluin.

Aniya, posible umanong maharap sa administrative at criminal case ang hindi pinangalanang pulis.

Nag-ugat ang insidente nang paluin diumano ng pulis gamit ang yantok ang likod ng isang 13-anyos na binatilyo sa Liwanag Street, dakong alas-dos ng hapon. Nagtamo ito ng galos sa likod dahil sa paghataw umano sa kanya ng pulis.

Nabatid na inutusan umano ng kanyang ina ang bata para bumili sa tindahan, pero sakto naman na nagroronda ang pulis at iba pang awtoridad sa lugar bilang pagpapatupad sa enhanced community quarantine kaya nagkatakbuhan.

Nang malaman ng ina ng bata ang nangyari sa anak, galit na galit nitong kinausap ang pulis na nanakit sa binatilyo.

Giit niya, may pagkakamali man ang bata sa paglabas sa kanilang tahanan, hindi naman umano dapat na saktan ito dahil maaari namang pagsabihan na lang.

Nakuhanan pa at kumalat sa social media ang video ng sagutan ng pulis at ginang. Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizen.

Gayunman sa isang panayam sa ina ng biktima, sinabi nitong hindi na sila magsasampa ng kaso laban sa pulis dahil naiintindihan nito ang trabaho niya at may pamilya rin umano ito. (Dolly Cabreza)