Pasay BJMP aprub sa e-dalaw

Sinuspinde ng Pasay City Bureau of Jail Ma­nagement and Penology (BJMP) ang pagdalaw sa lahat ng mga inmate sa Pasay City Jail batay na rin sa naging kautusan ng BJMP-NCR mula sa punong himpilan ng BJMP bilang bahagi ng kanilang precautionary measure sa pagkalat ng coronavirus o COVID-19.

Subalit kinukunsidera ng Pasay City Jail na maaari namang makausap ng mga kaanak ang nakakulong sa pamamagitan ng e-dalaw na programa ng BJMP sa Pasay.

Kaya naman, agad na pinulong ni Pasay City Jail Warden Atty. Jon Jay Arejola ang mga lider ng mga dalaw at ipinaliwanag ang kautusan mula sa ­higher authority ng BJMP.

Nilinaw nito na visitation lamang ang kanilang kinansela at tuloy pa rin ang pagtanggap nila ng mga padalang pagkain para sa mga inmate mula sa kanilang kaanak at kung nais na makausap ay magtungo lamang sa kanilang opisina para makausap sa pamamagitan ng internet ang preso dahil hindi sila papayagang makalabas.

Mahigpit ang ginagawang monitoring sa mga inmate at upang lumakas ang resistensiya ng mga ito’y binibigyan sila ng mga vitamins at prutas. (Vick Aquino)