Pasay buy-bust: 4 arestado, P100K shabu nasabat

Himas rehas ang apat na hinihinalang drug suspect nang makum­piskahan ng halos P100,000 halaga ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia sa buy-bust operation sa Pasay City, Huwebes nang gabi.

Tinukoy ang mga suspek na sina Daisy Santiano, 39-anyos; Oliver Flores; Jeffrey Rabenera, 37; at si Crisanta Dela Cruz, 36.

Sa ulat ni PMSg. Jay M. Martinez, dakong alas-6:50 nang gabi nang magkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit laban kay Santiano sa Jockian St., Barangay 16 sa nasabing lungsod na ikinaaresto ng mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang 24 selyadong pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu, dalawang nakarolyong aluminum foil na may natirang pinaniniwalaang shabu, disposable lighter, P660 cash, coin purse at P200 buy-bust money bilang mga ebidensiya na dinala sa crime laboratory para sa chemical analysis.

Samantala, sasampahan naman ng kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 ang apat na suspek na kasalukuyan nakakulong sa detention cell ng Pasay City Police. (Armida Rico)