Pasay councilor nag-sorry sa pagsigaw sa mga health worker, ‘di na kakasuhan

Hindi na kakasuhan at wala nang disciplinary action na ipapataw laban sa konsehal sa Pasay City na nanigaw diumano sa mga health worker dahil ginawang venue para sa testing ang session hall ng munisipyo.

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano kahapon, maayos na umano ang gusot sa pagitan ni city councilor Moti Arceo at ng city health office nang humingi ang konsehal ng paumanhin sa kanyang kinilos at mga sinabi sa insidente.

“Naghingi siya ng sorry sa ginawang bad mouthing. Siya rin ay gagawa ng sulat para humingi ng paumanhin,” sabi ng alkalde.

Ayon pa kay Rubiano, mayroon umanong permit ang health team para magdaos ng testing sa loob ng munisipyo at nasunod din nito ang mga panuntunan.

Unang sinabi ni Arceo na hindi nagkaroon ng konsultasyon bago isagawa ang testing sa session hall, pero sabi ni Rubiano, “Though marami nagsasabi na ang session hall, hindi pag-aari ng nino man, nasa jurisdiction ‘yon ng city council. Ang memorandum hindi lahat makakatanggap that day kasi naka-address siya sa skeletal force.”

Kasunod ng insidente, inilipat na sa ibang venue ang COVID-19 testing.

“Kinonsider namin ‘yong greater good, na huwag natin paapektuhan ang ating responsibilidad na mabigay ng services at ang tunay na kalaban ang COVID-19,” sabi ni Rubiano.