Walang quarantine pass subalit mahigpit na ipinatutupad ang home quarantine para sa mga mamamayan ng Pasig City.

Inihayag ito ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa Laging Handa press briefing kasunod ng ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Ayon sa alkalde, iniiwasan nila ang person-to-person contact sa Pasig City kaya ang ginagawang basehan ay isang tao lamang ang pinapayagang lumabas sa isang tahanan.

“Hindi po kailangan ang quarantine pass. kasi ang nakita namin based sa set-up ay magiging additional close contact, additional person-to-person contact kung mag-distribute kami. Hindi rin po kaya ito ng barangay kung iisa-isahin. Kaya strictly kapag nakita natin na magkasama ay dalawa, pinapauwi natin ang isa,” ani Mayor Sotto.

Ang mga ayaw sumunod aniya sa strict home quarantine ay ipinaparesto sa mga awtoridad.

Sa ngayon ayon sa alkalde ay mayroong 14 kaso ng COVID 19 sa Pasig City.

Kaugnay naman sa ibibigay na tulong para sa mga pansamantalang nawalan ng trabaho,sinabi ni Sotto na nagsimula na silang mamigay ng food packs sa mga barangay at hindi lamang pinagsabay-sabay dahil sa pangambang baka dumugin sila ng mga tao.

Bukod sa pagkain, ayon kay Sotto ay susunod na ang ibibigay na financial assistance para sa mga vendor, tricycle drivers, at jeepney drivers na natigil ang hanapbuhay dahil sa COVID19 enhanced community quarantine.( Aileen Taliping)