Pasig VM pumalag sa kasong korapsyon

Pasig VM pumalag sa kasong korapsyon

Umalma si Pasig City Vice Mayor Christian Iyo Caruncho Bernardo, kasama ang mga konsehal ng lungsod hinggil sa graft case na isinampa ng Tambuli ng Pasig City sa Ombudsman.

Kasama rin sa inireklamo si dating mayor Bobby Eusebio.

Ang kaso ay isinampa ng Tambuli ng Pasig City habang nasa Dubai si Vice Mayor Bernardo, kasama si Senador Manny Pacquiao.

Nag-ugat ang kaso sa pagbibigay ng Pasig City ng P15 milyon sa bayan ng Pamplona sa Camarines Sur na dumaan naman umano sa tamang proseso at sa Commission on Audit (COA).

“Bakit ko po gustong klaruhin ang bagay na ito,” ani Vice Ma­yor Bernardo. “Unang-una po naging Sanggunian Kabataan member ako, city councilor 2007 hanggang 2013 at kasalukuyang vice ma­yor, at ni minsan walang naging alegasyon patungkol sa pera. Na­ging mayor po ang lolo ko na si dating ma­yor Emiliano ‘Negro’ Caruncho, mula 1956 hangang 1986 pero ni minsan walang ganitong alegasyon. Masakit po dahil matagal naming ina­lagaan ang pa­ngalan namin at alam ko din sa sarili ko na hindi totoo ang mga sinasabi sa complaint sa Ombudsman,” paliwanag ni Bernardo.

“Ang mga konsehal naman meron ding pa­ngalan pinoprotektahan at pamilyang nasasaktan. Kung meron po ni isang taga-Pasig na makakapagpatunay na ako ay nangurakot sa kaban ng Pasig, I’m willing to resign any­time, ang posisyong ito ipinahiram lang sa akin ng taumbayan. Sa mga opisyal at miyembro ng Tambuli ng Pasig City, again I do respect your right in filing this case, because you want to know the truth. Ang sa aking lang po, kahit kailan at kahit anong oras po at may hawak na kayong ebidensiya na may nakuha po ako, kahit singko sa sinasabi n’yo, I will resign in front of you. Pero kung kayo naman po ang nagkamali sa inyong akusasyon laban sa akin at sa mga konsehal na kinasuhan din n’yo, sana ay maluwag din po n’yo tangga­pin ang kaso na puwede n’yo kaharapin, dahil hindi po kami ang nasak­tan kundi ang pamilya namin at mga taong nagtitiwala sa amin ng mahabang panahon,” giit pa ni Vice Mayor Bernardo.

“Kaya muli po para sa ating mga taga-Pasigueño huwag po kayong mawawalan ng tiwala sa inyong lingkod at sa city council dahil lahat ay gagawin namin para lalong umangat ang buhay ng bawat isang Pasigueño,” apela pa ng opisyal.