Pasiklab ng mga kandidato kilatisin

Opisyal nang nagbukas ang kampanya para sa midterm elections kaya aligaga na ang mga kandidato at mga alipores sa pagpapakilala para makakuha ng suporta at boto para matupad ang mga ina­ambisyong puwesto.

Aasahan na ng publiko ang pagiging “friendly” mode ng mga kandidato at pagiging feeling close sa mga botante dahil kailangan nila ang boto.

Marami akong naobserbahang mga kandidato na kapag panahon ng eleksyon ay masyadong magiliw ang mga ito pero pagkatapos ng halalan ay hindi ka na kilala at lalong mahirap na silang malapitan lalo na kapag nanalo sa target na puwesto.

Pero bukod sa pagi­ging magiliw sa mga botante ay may ibang paraan ang mga ito para makuha ang kiliti ng mga mamamayan sa bawat komunidad.

Isa na rito ang pag-sponsor ng mga paliga lalo na kapag panahon ng piyesta, o kaya naman ay beauty contest, fun run at iba pang aktibidad na nakakahikayat ng mga tao.

Siyempre pa, may pakain at pa-merienda at libreng t-shirts na tadtad ng pangalan ng mga kandidato.
Bukas din ang mga kandidato na mag-anak sa binyag, kasal na may kasamang pakimkim siyempre saka sasamantalahin ang pagkakataon para makipagkamay sa mga bisitang botante.

Kahit lamay sa patay ay hindi pinapalagpas ng mga kandidato para makiramay, pero nasisinag sa mga ito ang kawalan ng sinseridad ng simpatiya sa pamil­ya ng namatay.

Ilan lamang ito sa mga luma at gasgas nang estilo ng mga politiko kaya dapat maging matalino sa pagkilatis sa mga tumatakbo nga­yong midterm elections.

Hangga’t maaari ay huwag magpadala sa mga gimik ng mga kandidato at sa halip ay tingnan kung ano ang magagawa ng mga ito para sa bayan.

Matagal na tayong napaglalaruan ng mga trapong politiko kaya’t panahon na para pumili ng bago at mas karapat-dapat na iluklok sa puwesto.