Pasiklab ni Almazan nagpanalo sa Meralco

Pasiklab ni Almazan nagpanalo sa Meralco

PINALASAP ng Meralco Bolts ng maagang kabiguan ang nagtatanggol na kampeong Magnolia Hotshots matapos nitong itakas ang 98-92 panalo upang makisalo sa liderato ng 2019 PBA Governors Cup sa Smart Araneta Coliseum sa second game kagabi.

Isang tres ni Raymond Almazan sa 2:27 ng ikaapat na yugto ang sumira sa pagtatabla sa 92-all habang nagtulak din sa Meralco Bolts sa 95-92 abante.

Hindi nakaganti ang Magnolia sa sumunod na tagpo kung saan naitapos nito ang bola na nagbigay kay Almazan na mabigyan ng foul bagaman nag-split sa free-throws para sa 96-92 abante.

Dalawang free-throws pa ni Baser Amer ang nagtulak sa 98-92 abante para sa Bolts.

Pinamunuan ni Chris Newsome ang Bolts sa tinipon nitong 22 puntos, 10 rebounds, 3 assists, 1 steal at 1 block.

Nag-ambag si import Allen Durham ng 21 puntos, 14 rebounds, 8 assists, 1 steal at 1 block, habang may sariling 19 puntos, 13 rebounds, 2 assists, at 1 block si Almazan.

“We really put focus on our defense. That give us the win,” sabi ni Newsome.

Itinala ng Magnolia ang pinakamalaki nitong abante na 16 puntos, 49-33, sa ikalawang yugto subalit unti-unting humabol ang Meralco na nagawang itabla ang laban sa 75-all sa pagsisimula ng ikaapat na yugto. (Lito Oredo)