Tunay na maligayang Pasko ang nadama ng mga opisyales at miyembro ng Karera Station Association of Philippines, Inc. (KASAPI) noong Sabado sa MetroTurf Ra­cing Complex.

Nagdaos sila doon ng Christmas Party, Bene­fit Racing at pa-raffle ng kanilang ‘P20 Mo Manalo ng Motorsiklo’ na pumatok sa mga mananaya.

Marami ang nagsipunta, natuwa si KASAPI president Nicson Cruz at opisyales dahil sa malaking ayuda ng Metro Manila Turf Club sa pamumuno ni Dr. Norberto Quisumbing Jr., na nakisaya sa grupo buong araw.

Labindalawang motorsiklo ang ipina-raffle sa promo na inilunsad ng grupo noong Agosto, tatlo ang exclusive doon sa mga tumulong sa proyekto nila sa ilalim ng ‘Tulong Pangkabuhayan sa mga Member-OTBs.’

Sa pista ay todo ang kasiyahan dahil matindi ang labanan sa winner-take-all na may P1.8-million carry-over.

Marami ang nag-akalang llamado ang mga karera sa loob pero nabig­la ang lahat ng may mga dehadong bumulaga na nagresulta ng 14 winners lang at mahigit tig-kalahating milyong piso ang naiuwi ng mga masu­werteng nanalo.

Sobra ang suporta ng bayang karerista sa 10 karerang binitiwan noong Sabado, umabot sa P25.3-million ang sales nu’ng araw na ‘yun.

Niregaluhan ni Dr. Quisumbing ng Plaque of Appreciation ang KASAPI sa kanilang malaking papel sa industriya ng karera. Sila ang ‘frontliners’ ng racing clubs sa bayang karerista.