By Fr. Richard Bolaton, STL
Nasa huling mga araw na tayo ng paghahanda sa Pasko. Bukas ay bisperas na ng Pista ng Kapanganakan ng Panginoon. Ang Ebanghelyo ngayong Ika-4 na Linggo ng Adbiyento (Lc 1:39-45) ay tungkol sa ‘nagmamadaling’ pagpunta at pagdalaw ni Maria sa kanyang pinsang si Elizabet na tulad niya ay nagdadalang-tao.
Sa ‘tagpo’ na pinagninilayan natin tuwing dinarasal natin ang Ikalawang Misteryo ng Tuwa ng Santo Rosaryo hinihiling natin na gawin tayong mapagmalasakit katulad ng Mahal na Birhen. Dalangin natin na ipagkaloob at gawin din tayong bukas-palad upang mapasa-atin ang tunay na galak ng Kapaskuhan.
Ipiniprisinta sa atin ng Simbahan ang engkuwentro ng magpinsang kapwa pinagpala upang bigyang-diin, higit sa lahat ang pagiging mabuting loob ni Maria sa kapwa, bagay na dapat nating tularan bilang pagpapamalas ng malasakit sa kapwa; sapagkat panahon ng pagiging-bukas palad ang Pasko!
Paliwang ni Pope Emeritus Benedict XVI, “Christmas is a time to emulate Mary, visiting all those who are living in hardship, especially the sick, prisoners, the elderly and children.” Angkop at matuwid na tularan din natin, aniya, ang halimbawa ni Elizabet sa pagsalubong sa Panginoon sa pamamagitan ng ating pagtanggap sa mga dukha.
Dagdag pa ni Benedict, kailangang ihanda natin ang ating puso sa ‘pagdalaw’ ng Diyos sa atin ngayong Pasko sa pamamagitan ng pagiging bukas-loob sa biyaya at hiwaga ng Pagsilang ng Sanggol sa Belen: “Without wishing it, we shall never know the Lord, without expecting him we shall not meet him, without looking for him we shall not find him,” aniya.
Habilin ng nagbitiw na Papa, “Let us too go to meet the Lord who comes with the same joy as Mary who went with haste to Elizabeth.” Ipanalangin daw natin na lahat ng tao ay mabuksan ang kalooban sa Panginoon ngayong Pasko sa pamamagitan ng pagiging mapagbigay dahil ang Diyos ang unang nagbahagi ng Kanyang Sarili sa sangkatauhan.
Hindi natin malalampasan ang kabutihang-loob ng Diyos na huwaran natin sa pagbibigay. Sa ating malasakit sa kapwa, nagiging repleksiyon tayo ng mukha ng Panginoon para sa iba. Sa ating pagtulong, tayo ang Kanyang nagiging mga kamay at sa ating paglapit sa mga sawimpalad tayo ang Kanyang nagiging mga paa.
Nawa tularan natin ang Mahal na Birhen at maging malapit tayo sa Kanya ngayong mga araw upang sa gitna ng ating pangangailangan at samu’t saring responsibilidad, maging sentibo at mulat din tayo sa pinagdaraan ng iba.
Mapuspos din nawa tayo ng Espiritu upang maging malinaw at maisakaparan natin nang buong tapat ang kaloob na misyon sa atin ng langit.
Sa huli, sa ating pagkamapagkaloob maipamalas nawa nating ngayong Kapaskuhan sa lahat ang buo nating pagtitiwala sa kabutihang-loob ng Diyos sa tanan. Nawa magsibing inspirasyon at lakas ang malalim na pananampalataya ng Mahal na Ina upang ‘magmadali’ din tayong tupadin ang kalooban ng Diyos sa ating buhay.