Paskong Pinoy bakit nga ba kakaiba?

Marami ang nagtataka, bakit nga ba kakaiba ang mga Pinoy pagdating sa pagseselebra ng Pasko?

Iba nga ang Pinoy dahil kung dati ay hudyat ng Pasko ang Simbang Gabi, ngayon, pagtuntong pa lang ng Sept. 1 ay makakari­nig ka ng Christmas songs, simula na ng countdown.

Kahit maalinsangan ay pinipilit nang damhin ang lamig ng ­simoy ng hangin.

Kanya-kanyang kabit na at pabonggahan ng Christmas lights at decorations.

Alumpihit na sa pagwi-window shopping para makabili ng panregalo.

Kabi-kabilang reserba na para sa pagdarausan ng kainan o party.

Nagkalat na sa grocery at palengke ang hamon at keso de bola – pati malulutong na pera ay naglipana na.

Habang papalapit na ito’y kanya-kanya na ring palitan ng ­regalo para sa mga monita’t monito.

Excited nang bumangon nang maaga para sa Misa de Gallo at kanya-kanyang ensayo para sa caroling. Busy na rin sina ninong at ninang sa ‘pagtatago’ at paghahanda ng aginaldo.

Natanim na sa isipan ng halos lahat ng Filipino na ang tunay na diwa ng Pasko ay panahon ng pagbibigayan, pagmamahalan, at higit sa lahat ay pagpapasalamat sa Poong Maykapal sa lahat ng biyayang ipinagkaloob Niya sa buong taon.