Nagkalasug-lasog ang katawan ng dalawang taon gulang na batang babae nang aksidenteng mahulog mula sa 30th floor ng condo unit na matatagpuan sa Araneta Center sa Cubao, Quezon City Biyernes ng hapon.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PMSg. Julius Julius Cesar Balbuena ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nangyari ang trahedya dakong alas-2:45 ng hapon kung saan kalilipat lang Ang pamilya ng paslit sa isang unit ng condo sa 30th floor.

Abala umano sa paglilinis at pag-aayos ng kanilang mga kagamitan ang ina at kapatid na lalaki ng biktima at naiwanan sa guest room ang paslit. Bigla na lang umano na-lock ang seradura ng guest room at hindi mabuksan ng ina dahil nasa loob din ang susi nito.

Dahil dito natuliro ang ina at inutusan ang anak na lalaki na maghanap ng paraan upang makapasok sa guest room kung saan nakulong ang sanggol.

Nagtungo ang kuya sa balkonahe at namataan ang kapatid na nakasungaw na sa bintana kaya mabilis siyang tumalon upang agapan subalit hindi na na-rescue pa ang sanggol dahil eksaktong paglipat niya ay bumulusok na ang kapatid.

Nakita pa umano ng kuya na sumabit ang kapatid sa steel beam ng 15th floor kaya humingi na sila ng saklolo sa mga nakatira sa mga kalapit na unit na agad namang tumawag ng mga guwardiya.

Naisugod pa sa World Citi Medical Center ang sanggol subalit pumanaw din ito bandang alas-3:37 ng hapon, ayon kay Dr. Jen Bunagan, sanhi ng grabeng pinsala sa ulo at iba pang parte ng katawan.

Nabatid na tumuntong umano sa maleta ang bata at saka dumungaw sa bintana kung saan aksidenteng nahulog ito. (Dolly Cabreza)