Nagwakas sa masaklap na tagpo ang halos dalawang oras na paghahanap ng isang ina sa kanyang apat na taong gulang na anak nang madiskubre itong nakalutang sa creek kasama ang mga basura sa ilalim ng tulay sa Quezon City nitong Lunes ng tanghali.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Station 3, nakilala ang biktima na si Marvina Mae Lising, nakatira sa Culiat Bridge 2, Ilalim ng tulay, Brgy. Bahay Toro ng nasabing lungsod.

Sa pagsisiyasat ni PO1 Timmy Talang, nangyari ang insidente sa dakong alas-10:00 ng umaga.

Ayon sa pinsan ng biktima na si Thalia Li­sing, ang biktima at kasama nitong si Edilyn Rose Lapid, 11, ay naliligo sa creek habang ang nanay ng biktima na si Nene Li­sing ay nagluluto.

Makalipas ang halos isang oras, hinanap na ni Thalia ang biktima subalit hindi niya nakita.

Dakong alas-12:10 ng hapon, ilang tambay ang nakakita ng isang paa ng tao na nakahalo sa basura sa ilog. Nang iniahon ay nakumpirmang si Marvina Mae ang bangkay.