Juliet de Loza-Cudia

Hindi umano makausap nang maayos ang 10-anyos na batang sinasabing nakatakas sa grupo ng sindikato na kumukuha ng mga bata para pagnakawin at mamalimos.

“Parang limit ang kanyang pagsasalita, nakatingin lang siya sa TV tapos maya-maya ay tulog na,” ayon kay Tina, lola ng bata mula nang ihatid sa kanila noong Abril 6 nang madaling-araw sa kanilang bahay sa Bagong Barrio, Caloocan City.

“Mukhang binaboy pa nila ang apo namin,” dagdag pa ni Tina.

Ayon kay Tina, nang mawala ang biktimang si Mac noong Oktubre 2018, may lambi pa umano ang ari nito dahil hindi pa tule, alam niya ito dahil siya umano ang malimit na nagpapaligo sa apo.

Ipinagtataka niya ngayon, nawala umano ang lambi at lumaki ang ari ng bata, na mistulang 13-anyos na ang edad ng ari nito.

Nang tanungin umano ang bata kung bakit nagkaganoon ang kanyang –ari, hindi umano ito sumagot na parang may itinatago.

“Iniisip ko baka pini-pressure siya at ibang bata na gumawa ng sex video, na ibinebenta sa mga dayuhan. Nagkaroon ng mga pekas ang kanyang katawan, may mga paso ng sigarilyo,” ayon kay Tina.

Una nang sinabi ni Mac na mahigit pang 40 bata ang hawak ng sindikato.