Walang foul play sa nangyaring pagkalunod ng dalawang taong gulang nitong Huwebes ng umaga sa Sto. Domingo, Nueva Ecija.
Sa ulat ni P/Chief Inspector Erwin Ferry sa tanggapan ni Mayor Imee Llado de Guzman nakilala ang nalunod na si Mabell Beras Macatulo, anak ni Marybell Bariente Beras, 19-anyos ng Purok 1, Brgy. Malayantoc ng nasabing bayan.
Nabatid na alas-10:40 ng umaga, naglalaba sa kusina ang ina at hindi napansing pumunta ang paslit sa may patubig.
Tiyempong dumating ang isang kapitbahay at sinabing may nalunod na batang napadpad sa madamong bahagi ng gilid ng patubig.
Agarang dinala ang biktima sa Sto. Domingo District hospital dito pero wala nang buhay.