Paslit nakatakas sa pulubi sindikato

Juliet de Loza-Cudia

“Parang taong grasa na siya, maduming-madumi, may mga paso ng sigarilyo sa katawan, madaming peklat at sugat”.

Ganito inilarawan sa Tonite ng kanyang Lola Tina ang 10-anyos na apong si Mac (hindi tunay na pangalan) matapos itong iuwi sa kanilang bahay sa Caloocan City ng kanyang kumpare na nakakita sa bata dakong ala-una nang madaling-araw kamakalawa sa Blumentritt, Maynila.

Nabatid na nawala si Mac noon pang Oktubre 24, 2018 habang kasama ang kanyang ina na may binili lang malapit sa kanilang lugar.

Pina-blotter ng pamilya ang pagkawala ni Mac pero hindi pa rin ito nakita.

“Nung nakita siya ng kumpare namin sa Blumentritt hindi kumi­kibo, nakatingin lang sa kanya, sa kumpare ko. Sumakay sila ng jeep nagtitinginan daw mga pasahero sa kanila, inisip ng kumpare ko na baka isipin daw ng mga tao kinidnap niya. Kasi nga tinatanong hindi kumikibo. Nilabas daw ng kumpa­re ko cp niya pinakita picture dun at picture nila ng daddy niya.

Saka lang nakausap si Mac. Pinakita pa nga daw sa mga pasahero picture ng apo namin kasama yung asawa ko. Saka lang gumanda yung aura ng mga pasahero sa kanila,” ayon kay Lola Tina.
Sa kuwento ni Mac, may lumapit sa kanyang tao at tinakpan ang ilong niya ng panyo.

Nagising na lang umano siya na nasa isang maruming lugar kasama ang ilang bata na kapwa niya dinukot.

Ayon kay Mac, pinakakain naman sila sa lugar na pinagdalhan sa kanya pero sa isang order ng ulam ay limang bata ang naghahati-hati.

Madalas umano ay idinadaan na lamang niya sa tulog ang nararamdamang gutom.

Sa kuwento ni Mac, apat silang nakatakas matapos siyang puma­yag na lumabas para magnakaw at mamalimos.

“Sinabi ni Mac, mahigit 40 bata pa ang naiwan nila sa kamay ng sindikato na nag-aalaga sa kanila, nakasuot daw ng mask kaya hindi nila makilala,” ayon kay Lola Tina.

Iyong ibang mga bata umano ay nagugustuhan nang tumira doon pero ang iba ay nag-iiyakan at nagmamakaawang makauwi na pero hinahampas sila ng patpat kapag umiiyak.

Hinala ni Lola Tina na sadyang pinatakas ng sindikato si Mac dahil may sakit na ito.

Pinagmasdan umano ni Lola Tina ang katawan ng apo at napansin na mas malaki umano ang isang dibdib nito at nang tingnan nila ang ari ni Mac ay nag-iba rin na parang lumaki at nawalan ng lambi kahit hindi pa naman ito natutuli.

“Parang may mga hindi pa siya sinasabi sa amin. Alam kasi niya na magwawala kami kung ano man yun,” ayon kay Tina.

Tinangka umano niyang tanu­ngin kung ano ang ginawa sa kanya ng sindikato kung bakit naging ganun ang kanyang ari pero matagal sumagot ang bata na parang may tinatago.

Sinabi pa ni Tina nang makausap ang apo parang may trauma pa ito at tila lasing kung magsalita.