Isang batang lalaki ang natagpuang walang malay sa tabing dagat ng kanyang mga kaibigan na kasamang naglalaro at nagsu-swimming na sakop ng Navotas City kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ni PO3 Allan Joey Ogatia III ng Navotas City Police, tanghali pa lamang umano nang magtungo ang biktimang si Sean Raven Tanawa, 11-anyos, grade VI ng Tanza Elementary School at residente ng Bicol Area, Barangay Tanza ng nasabing lungsod kasama ang kanyang mga kaibigang mga bata rin upang magswimming sa dagat.

Ayon sa mga kaibigan ng biktima ay masaya umano silang lumalangoy nang hindi mamalayang hapon na pala, doon na nila napag-alaman na hindi na nila kasama ang biktima.

Agad nila itong hinanap at nakita nila itong walang malay sa aplaya ng dagat na sakop ng nasabing barangay.

Agad nilang ipinagbigay alam sa pamilya ng kanilang kaibigan ang nangyari na mabilis namang naisugod sa Quinto Medical Clinic ang paslit, ngunit hindi na rin ito pinalad pang mabuhay at nasawi habang ibinibiyahe.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng pulisya hinggil sa kung ano talaga ang naging sanhi ng kamatayan ng biktima.