Isang tatlong taong gulang na batang lalaki ang patay matapos na masalpok ng isang kotse habang mag-isang naglala­ro sa gilid ng kalsada sa lungsod ng Valenzuela kahapon ng umaga.

Sa ulat ng Valenzuela City Police-Traffic Unit partikular na ni PO2 Oliver Juan ay ganap na alas-otso pasado ng umaga nang maganap ang insidente sa tapat ng Bai-Maresass Compound, Barangay Marulas ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umano noong papaliko pakanan sa nasabing compound ang Honda Civic na may plakang ZBN 703 na minamaneho ni Elias De Guzman, 55, ng Buisan, Bustos, Bulacan nang hindi niya mapansin ang batang lalaking si Aldrea Mantal na naglalaro sa gilid ng kalsada dahilan upang mabundol niya ito.

Ayon naman sa mga nakasaksi ay nagulungan pa umano ng kanang gulong sa harapan ang paslit bago nakapagpreno ang driver ng kotse, agad na isinugod ng mga kaanak ng biktima ang bata sa Sanctisimo Emergency Hospital ngunit hindi na rin pinalad pang mabuhay dahil sa malalang pinsala sa kanyang ulo at katawan.

Samantala ay kusa namang nagtungo sa himpilan ng pulisya ang driver ng kotse at isinuko ang kanyang sarili.

One Response