Paslit tepok sa rumaragasang SUV

Nasawi ang isang 3-anyos na paslit matapos na masagasaan ng rumaragasang Sport Utility Vehicle (SUV) habang tumatawid kasama ang ilang bata, kamakalawa ng hapon sa Binondo, Maynila.

Namatay noon din ang biktimang si Rency Jacob Cabuhay ng Capulong St., Tondo, anak ng isang barker sa Juan Luna St., sakop ng Binondo.

Habang kusang-loob namang sumuko ang ­driver ng Toyota Fortuner na may plakang TOD-702 na si Enrico de Guzman, na nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide.

Ayon kay P/Sr. Insp. Arnold Sandoval, hepe ng Investigation Unit, ng ­Manila Traffic Enforcement Group, dakong alas-3:15 ng hapon nang maganap ang insidente sa panulukan ng San Nicolas at Sto. Cristo St., sa Binondo.

Nalaman na may mga kasamang bata ang biktima at umano’y pupunta sa kanyang ama na nagtatawag ng pasahero sa Juan Luna nang sabay-sabay na tumatawid, pero minalas na masagasaan ng rumaragasang Toyota Fortuner ang biktima.

Sumuko naman si De Guzman at isang Peter John Flores na kasama ng driver ang ­nagpakilala umano na pinsan ito ni NCRPO-Regional ­Director, ­General ­Oscar ­Albayalde.