Pasok sa mga pabrika pinaigsi na

Hanggang alas-8:00 na lang ng gabi ang operasyon ng mga pabrika at iba pang commercial establishment sa Navotas City dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng social distancing measures ng gobyerno at upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID 19).

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, nagkaroon ng special session ang mga konsehal noong Linggo ng hapon at ipinasa ang City Ordinance No. 2020-06.

Sa nilalaman ng nasabing ordinansa, hanggang alas-8:00 ng gabi na lang ang pasok ng mga manggagawa sa mga pabrika at wala nang 2:00 to 10:00 pm, at 10:00 pm to 6:00 am shifting.

Paliwanag ng alkalde, layon nito na iwasan ang pagtitipon-tipon para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Hindi naman saklaw ang mga taong nagtatrabaho sa pagbibenta o pagdi-deliver ng raw materials, food products o supplies; paghahatid ng mga kinakailangang gamit para sa laban sa COVID-19; mga health worker; mga awtorisadong opisyal o kawani ng lokal na pamahalaan; at ang skeletal workforce ng pamahalaang lokal. (Orlan Linde)