‘Pastillas’ gang nagtakipan na

Ni Nancy Carvajal

Hindi humarap sa National Bureau of ­Investigation (NBI) ang mga opisyal at kawani ng Bureau of Immigration (BI) na isinasangkot sa korapsyon sa ahensiya na ­tinaguriang ‘pastillas’ scheme ni ­Senador Risa Hontiveros.

Una nang inutos ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang imbestigasyon sa BI hinggil sa human trafficking at escort ­service ng mga Chinese national.

Gayunman, nabatid sa isang NBI investigator na hindi sumipot ang mga iniimbestigahan nilang opisyal at kawani ng BI para ­hingan sana ng paliwanag hinggil sa hinihinalang ­iligal na yaman nila.

“We received information that they were ­ordered not to talk to NBI and send only lawyers to get a copy of the complaint sheet,” ayon sa isang NBI investigator.

Ayon naman sa mga imbestigador ng NBI Special Action Unit, bibigyan nila ng pagkakataon ang mga sangkot sa ‘pastillas’ scheme para ipaliwanag ang hindi pagkakatugma ng kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) sa tinatanggap nilang suweldo sa gobyerno.

“We want them to explain how they were able to have millions of real assets, expensive watches and luxurious vehicles to give them due process before we file a formal complaint, if any before the Office of the Ombudsman,” ayon sa isang NBI investigator.

Samantala, nabatid ng Abante Tonite mula sa SALN ng isang kawani ng BI na sangkot sa scam na pumasok ito sa ahensiya noong 2011 na P136,000 pa lamang ang yaman suba­lit sa kanyang 2018 SALN, umabot na ng P12 milyon ang yaman nito.

Sumusuweldo sa kasalukuyan ang naturang kawani ng P33,000 kada buwan subalit nakasaad sa kanyang SALN na mayroon itong bahay sa isang exclusive subdivision sa southern part ng Metro Manila, sports utility vehicle at mga mamahaling relo at damit na nagkakahalaga ng P480,000.

Nabatid pa na nagtatrabaho rin sa BI at ­Bureau of Customs ang kanyang mga kapatid na babae at lalaki, ama, at pinsan.