Pastol, 1,000 itik dinukot

TALAVERA, Nueva Ecija — Dinukot ng limang armadong kalalakihan ang isang pastol at tinangay ang may 1,000 itik na alaga nito noong Miyerkules ng madaling araw sa Purok Maligaya, Brgy Homestead I, sa bayang ito.

Batay sa ulat ni P/Supt. Joe Neil Rojo sa tanggapan ni Mayor Nerivi Santos-Martinez, kinilala ang dinukot na si Omar Mendiola Mudlong, 29, residente ng Brgy Lungan, Concepcion, Tarlac.

Sa salaysay ni Jayson dela Cruz Mudlong, 30, residente ng Brgy Baluga, Talavera, na kasamahang ng biktima, dakong alas-3 ng madaling araw nang dumating ang 5 armadong lalaki na lulan ng kulay puting multicab.

Tinangay umano ng mga suspek ang 1,000 itik na nagkakahalaga ng P120,000.00. Bago tuluyang umalis ay iginapos umano si Jayson at isinakay ng mga salarin si Omar sa multicab.

Inabot na ng umaga nang makawala sa pagkakagapos si Jayson at saka nakahingi ng saklolo kay Brgy Captain Joel Nuñez na agarang nagsumbong sa mga pulis.