Pastor arestado sa Easter mass

Inaresto ang isang pastor at kanyang mga tagasunod kabilang ang ilang opisyal ng barangay matapos na magsagawa ng Easter mass service sa kanilang kapilya na labag sa protocol ng pinaiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bayan ng Enrile, Cagayan.

Ayon kay Enrile Municipal Police Station (MPS) chief of police Police Major Lorvinn Layugan, isinumbong sa kanila ng mga residente ang ginagawang misa noong Linggo ng Pagkabuhay sa Presbyterian Church sa Barangay San Antonio dakong alas 10:30 ng umaga na dinaluhan ng miyembro nito.

Agad namang rumesponde ang pulisya sa lugar at doon nila naabutan ang ginagawang mass service ni Pastor Victor Mangoma, 33, na kanilang inaresto, kasama ang iba pang mga miyembro kabilang sina barangay councilor Melanie De Guzman, 37, at barangay secretary Rodrigo Aguirre, 42-anyos.

Ito na ang ikalawang pastor na naaresto dahil sa pagpapatupad ng mass service na dinaluhan ng kanilang mga miyembro sa gitna ng pagbabawal ng mga mass gathering dahil sa COVID-19.

Matatandaang una ng inaresto ng Cagayan De Oro City police si Evangelical Pastor Alfred Caslam, founder ng Word of God Spirit and Life Ministries noong Abril 5, matapos na magsagawa ito ng church service na dinaluhan ng halos 500 nitong tagasunod.

Ang dalawang pastor ay sinampahan na ng kasong Violation of section 9 of Republic Act 13332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases at Health Events of Public Health Concern Act na may kaakibat na kulong na anim na buwan at hindi lalagpas sa P50,000 multa.(Edwin Balasa)