Patay ang isang pastor matapos itong pagbabarilin ng caretaker ng kanyang tinitirikang lupa sa San Juan, Batangas, Lunes nang gabi.

Agad nasawi ang biktimang si Renato Yangzon Remigio, 30-anyos, taga-Sitio Macalintal, Brgy. Calubcub 2, na nagtamo ng mga bala ng baril sa katawan.

Ang biktima ay pastor ng Jesus Alone Church Mission International sa San Juan, Batangas.

Sa report ng San Juan police, nakaupo sa harap ng kanyang bahay ang biktima nang ito ay malapitang barilin ng suspek na si Edwin Triviño, dakong alas-8:45 nang gabi.

Usapin umano sa lupang tinitirikan ng bahay ng biktima ang motibo sa krimen.

Ayon pa sa report, ang suspek ay katiwala ng Macalintal land properties na noong nakaraang taon ay pinalayas ng may-ari ang mga residenteng naninirahan para sa gaga­wing development sa lugar.

Subalit hindi umano umalis sa lugar ang pamilya ng pastor at isinampa sa Department of Agrarian Reform ang usapin sa lupa.

Pinaghahanap na ngayon ng mga pulis ang tumakas na suspek.(Ronilo Dagos)