Nadagdagan na naman ang bilang ng casualty sa giyera kontra ilegal na droga ng gobyernong Duterte.

Kahapon ay isang pastor ang pinaniniwalaang nadamay sa insidente ng pamamaril na may kinalaman sa ilegal na droga sa Antipolo, Rizal kahapon.

Bagama’t naisugod pa ang nadamay na si Jose Ramos, pastor sa isang community Christian church sa Antipolo District Hospital ay binawian din agad ito ng buhay matapos na mapuruhan sa maselang bahagi ng katawan.

Bukod kay Ramos, isa sa tatlong pinaghihihinalaang tulak na target umano ng mga hindi pa kilalang salarin ang namatay din. Batay sa paunang ulat ng mga pulis sa Antipolo, tatlong lalaking lulan ng isang motorsiklo ang pumasok sa kalye ng Boso-boso, sa Sitio Mala­king Parang, Brgy. San Jose, Antipolo ay biglang pinagbabaril ng hindi pa natukoy na mga suspek.

Nakilala ang tatlong nakamotorsiklong inasinta ng bala na sina Jaypee San Jose, William Weafold, at Jimcar delos Santos, pawang isinasangkot sa kalakaran ng ilegal na droga.

Nabatid na nadamay si Pastor dahil habang papalabas ang mga suspek sa kalye ay nakasalubong nila si Ramos, kaya maging ito binistay nila ng bala.

Agad na namatay si Delos Santos, habang sugatan sina San Jose at Weafold.

Sinasabing papauwi na si Ramos matapos bisitahin ang maliit na simba­han na kanyang tinutulu­ngan sa naturang barangay nang maganap ang krimen.