Pasundot na

Marou Pahati Sarne

Marou Pahati Sarne

Mahirap para sa mga misis ang hikayatin ang kanilang asawa na magpatingin sa doktor lalo na kung nagkakaproblema sa pagkalalaki.

Kapag tumatamlay sa pakikipagsiping, hindi nakakabuo, may pananakit sa puson at ari, at madalas na pag-ihi o kahirapan sa pag-ihi, sinasarili na lamang nila ito kaysa magpatingin sa manggagamot.

Ang madalas na problema ng lalaki kapag pumapasok na sa edad kuwarenta pataas ay ang paglaki ng kanilang prostate gland.

Ito ang gumagawa ng puting likido na siyang pagkain ng semilya at naghahatid din dito papunta sa ari ng lalaki.

Nababalutan ang prostate gland ng urethra o tubong daanan ng ihi na nakakabit sa pantog at sa ari ng lalaki.

Kaya naman kapag lumaki ang prostate gland, naiipit nito ang daanan ng ihi at naitutulak din ang pantog.

Dahil sa pagkaipit ng pantog, ang pakiramdam ng lalaki ay kailangan niya laging ilabas ang kanyang ihi. Minsan pa nga, may kasama nang dugo ang ihi.
Hindi lamang pag-laki ang problema ng prostate gland. Maaari rin itong mamaga dahil sa impeksyon, o tubuan ng kanser.

Kaya dapat lang na hilahin na ni misis si mister sa doktor upang masuri ang prostate nito sa pamamagitan ng digital rectal examination o pagsundot sa puwet.

Ipinapasok ng doktor ang kanyang nakaguwantes na daliri (na may pampadulas) sa puwetan ng pasyente hanggang marating ang puwesto ng prostate gland. Nalalaman sa pamamagitan ng pagkapa kung lumalaki ang prostate o kung may kakaiba na itong hugis at tigas.

Hindi ito dapat ikatakot dahil mas mainam nang makita habang maaga ang dahilan ng paglaki ng prostate gland para maibigay ng doktor ang tamang gamot o maoperahan kung kinakailangan.

Oo nga at maaaring magkaroon ng side effect ang operasyon tulad ng re-trograde ejaculation o hindi lumalabas ang semilya sa ari o maaari ring sumama na lang sa ihi ang semilya, pero hindi naman nito naaapektuhan ang pakiramdam at pagtayo ng pagkalalaki, ayon sa mga urologists.

Sa bisperas ng Araw ng mga Ama sa Hunyo 15, 2019, may libreng prostate gland examination at konsultasyong pangkalusugan ang mga doktor ng Philippine Urological Association sa buong bansa.