Pasyente ng COVID nagbigti sa ospital

Isang COVID-19 patient na naka- confine sa isang hospital sa Lucena City ang nagpakamatay noong Lunes ng hapon.

Ayon sa inisyal na ulat ng Lucena PNP, nakita na lamang ng mga security ng Quezon Medical Center (QMC) na nakabigti umano ang pasyente sa room 2 ng QMC-PHILHEALTH, San Lazaro ward ng nasabing hospital.

Hindi naman pinapasok ng pamunuan ng hospital sa loob ang mga imbestigador dahil ang pinangyarihang ward umano ay ang pinagdadalhan ng mga suspected case ng COVID-19 sa probinsya.

At ayon umano sa mga security guard, sa nakabukas na bintana ng kuwarto isinabit ng pasyente ang hindi pa malamang klase ng lubid na ginamit sa pagpapatiwakal.

Wala namang inilabas na pahayag ang ospital at ang Integrated Provincial Heath Office (IPHO) na siyang nangangasiwa sa mga kaso ng COVID-19 sa lalawigan hinggil sa pangyayari at sa detalye ng pasyente.

Ang QMC ang kaisa-isang COVID-19 hospital sa Quezon province kung saan mayroon ng 72 positibong kaso ang probinsya.

Pito sa mga pasyente ang nasawi samantalang 45 pa ang kasalukuyang ginagamot sa ospital habang 20 naman ang nakarekober sa nakahahawang sakit. (Ronilo Dagos)